A Speech made by Ronith Nikki Pacis for her Retorika subject entitled
“Edukasyon: Pag-asa sa Kinabukasan ng Bayan at Kabataan”
Kung tatanungin natin ang
diksyunaryo sasabihin nito na, “Ang edukasyon ay ang pamamahagi at pagsagap ng
kaalaman o abilidad na resulta ns sistematikong instruksyon o pagsasanay.”
Ngunit kung ang isang ordinaryong mag-aaral ng Pilipinas ang magbibigay ng kanyang
sariling pangkahulugan ay maaaring sabihin niya na, “Ang edukasyon ang susi ko
sa kaunlaran.” Hindi ko na kinailangan ang magsurvey ukol dito sapagkat
nakatitiyak ako na ganyan ang sasabihin ng isang tipikal na magaaral ng
Pilipinas na sa mababang antas ng pamumuhay ayon na rin sa aking karanasan at
sa mga kapwa ko magaaral na aking napakikisamahan.
Ang pagkakaroon ng pormal na
edukasyon ang paraan na ating nakikita para tayo ay magkamit ng kasaganahan na
inaasam natin para sa sariling lupang sinilangan. Ito ang daan hindi lang para
sa kaginhawaan kundi para rin maisaayos ang sistema ng pamumuhay sa ating
bansa, makamtan ang kapyapaan, pagkakapantay-pantay sa mata ng hustisya, at
siyempre para mahubog ang bawat isa sa ating mga Pilipino ang mga diwang
makadiyos, makabayan, makatao at makabansa. Isa pa ang kaalaman na nasasagap
natin sa pag-aaral ay naglalayon para tayo ay makasabay sa takbo ng buhay, sa
modernisasyon man o sa pagbabago ng kapaligiran.
Sa mahabang panahon na nating
pagaaral paulit-ulit na rin natin naririnig ang sawikain ni Dr.Jose Rizal na
ang “Kabataan ang Pag-asa ng Bayan.” Maaaring nagsasawa ka nang marinig yan
marahil hindi mo kasi makita saysay nito. Sa akin, ang sawikain na ito ay
nagpapahiwatig na ang kinabukasan ay hawak natin sa ating mga palad, tayong mga
kabataan, ang maling paghawak natin ngayon
ay maaaring makaapekto sa kinabukasan ng bawat isa sa atin at ng ating bansa
dahil sa kinalaunan ay tayo rin ang mamahala dito. Kaya naman, bilang kabataan
para tayo ay maging mahusay na mamamayan ng bayan balang araw, ay nararapat
lang na gampanan natin sa abot ng ating makakaya ang responsbilidad natin na
maging mahusay na magaaral. Tungkulin natin na bigyang importansya ang
edukasyon, ang maging uhaw sa kaalaman sa iba’t ibang aspeto ng buhay. Marapat na
gamitin natin lahat ng mga “resources” gaya ng aklat, internet, mga pook at iba
pa na mapagkukuhaan natin ng mga ideya,
kaalaman at karanasan. Gayon din ay ibahagi natin ito sa mga hindi pa
nakakaalam at gamitin ang nalalaman sa paraan na nakakatulong sa kapwa.
Siguraduhin natin na ang ating husay at
pagkakaalam sa mga bagay ay nagagamit lamang sa paraan na mabuti at hindi
nagpapahamak sa kapwa at bayan.
Ang pagiging edukado natin ay
responsibilidad natin sa bayan at sa ating kapwa. Sa pag-aaral ay natutuklasan
natin kung ano ang dapat at ang hindi o ano ang tama at ano ang mali kaya naman
natutunan natin kung papaano ang maging isang mabuting tao at Pilipino. Sa
ating pagaaral, atin ding nadidiskubre ang gusto natin sa buhay, ang ating mga
interes at ang propesyon na nais natin balang araw. Sa proseso ng ating
pag-aaral, unti-unti nating naisasaulo, naeensayo at namamaster ang magiging trabaho natin balang araw. Kaya
napakahalaga ng pagkakaroon ng pormal na edukasyon.
Gayunpaman ay kailangan natin haluan ng sangkap na
kasipagan ang produkto ng ating pag-aaral. Ibig kong sabihin ay baling araw pag
tayo ay nagsipagtapos sa kolehiyo, hindi ibig sabihin ay nakahain na sa mesa
ang letsong baboy sapagkat kailangan pa rin natin pagtrabahuhan ito bago
tuluyan maihain sa hapag kainan sa madaling salita, kailangan magbanat ng buto
bago maani ang mahabang panahon sa eskuwelahan.
Ang edukasyon ang pagasa sa
kinabukasan ng bayan at kabataan. Sa ating pagpupuntiyagi at pagsisipag
nakasalalay ang kapalaran ng bawat isa at ng bayan. Kung pagsasawalang bahala
natin ang ating pagaaral ay ipagkakait din ang inaasam na katiwasayan at
kaunlaran…Sa aking mga kababata mag-aral ng mabuti bilang pagmamahal sa Diyos,
bayan at kapwa. Mabuhay ka bata!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento